0



“MISS, okay ka lang?”
Biglang nahimasmasan si Clara nang marinig niya ang estrangherong tinig na iyon ng isang lalake. Kanina pa kasi siya tulala at tila wala sa sarili. Nakatayo siya sa may passenger’s exit ng paliparan sa NAIA.
Hindi pa rin siya makapaniwala na muli pa niyang masisilayan ang bayang sinilangan.
Pagkuwa’y ngumiti siya sa lalake at saka siya naglakad bitbit ang isang maleta na tanging dala niya galing sa bansang Kuwait. Ilang pirasong mga damit lang ang laman niyon. Buti nga at may naiuwi pa siyang mga gamit. At higit sa lahat, buhay siyang nakabalik ng Pinas.
“Manong, sa may Sun Valley, Cul de Sac po!” maya-maya’y sabi niya sa driver ng taxi nang hintuan siya nito. Hindi na siya nakipagbaratan kay manong driver dahil gusto na niyang makauwi sa kanila at ipahinga ang nanlalambot at nanghihina pa ring katawan.
Nang paalis na ang taxi, hindi napigilan ni Clara na muling balikan ang kalbaryong sinapit sa kamay ng demonyong amo noong nasa Kuwait pa siya.
Unang buwan niya sa Kuwait noon bilang kasambahay nang maranasan niya ang pagmamaltrato ng kanyang among babae. Noong una’y natitiis pa niya ang pagdadamot nito sa kanya ng pagkaen na puro tirang kubos o tinapay lang ang pinapakaen sa kanya dalawang beses lang sa isang araw. Pero kalaunan, nakararanas na rin siya ng pisikal na pang-aabuso sa kanyang amo. Kaunting pagkakamali lang niya sa loob ng bahay ay sampal, sabunot, suntok na ang inaabot niya rito. Bukod roon ay hindi pa siya binibigyan ng sapat na pahinga dahil sa walang humpay na pagtatrabaho. Alas-dos ng madaling araw siya nakakapaghinga at sapilitan kung gumising nang alas-singko ng umaga. Kaya madalas, halos dalawa o tatlong oras lang ang tulog niya.
Makailang-beses niyang tinangkang tumakas noon, pero lagi siyang bigo. Ni hindi siya pinapahawak ng celpon ng kanyang amo at pinalalabas ng bahay. Kaya hindi siya makahingi ng tulong sa mga kakilala. Wala siyang magawa kundi magdasal at humingi ng tulong sa Maykapal. Subalit tatlong buwan na siyang nagtitiis sa pagmamalupit ng kanyang amo na dinagdagan pa ng hayop nitong asawa. Tuwing naiiwan sila sa loob ng bahay ng kanyang among lalake, sapilitan siya nitong pinapasok sa loob ng kanyang silid at saka siya hinahalay. Dalawang beses na nangyari iyon sa kanya sa loob lamang ng tatlong buwan niya sa mala-impeyernong bahay na iyon. Anong laban ng maliit at patpatin niyang katawan sa laki at lakas ng katawan ng kanyang among lalake? Kaya sa tuwing hahalayin siya nito, balewala ang panlalaban at pagtatanggol niya sa sarili laban sa demonyong amo na laging may hawak na baril sa tuwing pagsasamantalahan siya nito.
Dahil sa kalbaryong sinapit, makailang ulit na rin niyang tinangkang wakasan ang kanyang buhay. Pero sa tuwing tatangkain niyang kitilin ang buhay, tila may kung anong pumipigil sa kanya. Kaya naisip niya, magdasal na lang nang magdasal at baka sakaling magmilagro at makaalis siya sa impeyernong kinasadlakan.
Nasa ikaanim na buwan na siya noon nang dininig ng Diyos ang dasal niya. Nakaalis siya sa poder ng kanyang amo sa tulong ng isa ring kasambahay na si Sonia na kapitbahay nila. Sinabi niya rito ang kalbaryong sinapit niya sa kamay ng mga amo nang matiyempuhan niya itong nagtapon ng basura noon. Inabangan niya talaga ito para humingi rito ng tulong. Hindi nga nagtagal, may mga kapwa-Pinoy na galing sa POLO o OWWA ang umaksiyon para alisin siya sa lugar na iyon. Nangako rin sila na dadalhin sa korte ang pagmamalupit na sinapit niya sa among babae at ang panggagahasa naman ng among lalake. Hindi na siya umaasang mabibigyan siya ng hustisya. Ang mahalaga ay nakaalis na siya sa poder ng mga amo at makakauwi na siya ng Pinas. Ilang linggo rin siyang kinupkop ng Shelter for the battered OFW na isang organisyon sa Kuwait na naglalayong tulungan ang mga gaya niyang nakaranas ng Domestic Violence. Doon siya nakahanap ng kakampi at karamay sa mga Pinay din na gaya niyang nakaranas ng pang-aabuso sa kamay ng amo.
At ngayon nga ay nakabalik na siya ng Pinas pagkatapos asikasuhin at sagutin ng POLO sa Kuwait ang kanyang ticket pauwi. Wala man siyang maiuuwing pera o mga pasalubong, ang mahalaga ay buhay siyang makakauwi sa piling ng mga mahal sa buhay.
Hindi lahat ay sinuwerte o pinalad sa ibang bansa. Maraming mga OFW na nakararanas ng matinding kalbaryo na hanggang ngayon ay pilit pa ring nagtitiis at umaasang may tutulong sa kanila na maialis sa ganoong sitwasyon. Kung tutuusin ay mapalad pa siya dahil buhay siyang nakabalik ng Pinas. Hindi gaya ng iba nating kababayan na bangkay nang bumabalik sa mga mahal nila sa buhay.
Tumingala si Clara sa kalangitan saka umusal ng taimtim na panalangin bilang pasasalamat sa Maykapal. Dahil sa wakas ay natapos na rin ang kanyang kalbaryo sa bansang Kuwait!

From Admin founder.unoh

Post a Comment

 
Top